Hi, you look familiar. HAVE YOU MET JOHN?

0

Photo credit: jewish-holiday.com

Heto na naman sya. Si John, matalik kong kaibigan. Nasa isang disco bar ngayon kaharap ang ilang bote ng pulang kabayo.  Nakatingin sa grupo ng mga babaeng umiindak sa salin ng musika ni Britney Spears na may linyang “Hit Me Baby One More Time”. Bawat isa ay animo’y nang-eenganyo. Para bang nang-aakit sa kanya. Tumatawag ng kanyang atensyon.  Lalapit sya. Bibitiw ng pamatay na linya “Hi, you look familiar. Have we met before?” At dun magsisimula ang pangyayari na magpapaganda sa gabi nya.

 

Opppssss…. May mali yata.

REWIND…

1…..2…..3

PLAY….

Heto na naman sya. Si John, matalik kong kaibigan. Nasa isang disco bar ngayon kaharap ang ilang bote ng pulang kabayo. Nakatingin sa grupo ng mga babaeng umiindak sa salin ng musika ni Britney Spears na may linyang “Hit Me Baby One More Time”.  Lakas loob na lalapit sa mga ito kahit hindi niyaya o nakakita ng kahit konting pang-aakit. Kumukuha ng tyempo. Bibitiw ng gamit na gamit na linyang “Hi, you look familiar. Have we met before?”  Walang papansin. Dun magsisimula ang pangyayari na sisira sa gabi nya.

Hindi siya nawawalan ng pag-asa. Alam mo ba kung ilang beses na hindi gumana sa kanya ang linyang ‘yan? Sampu? Labing-lima? Hindi na yata mabilang sa mga daliri ng kamay at kahit isama mo pa ang mga daliri sa paa. Sobrang dami na.

Pre, mali siguro ‘yong pagkabigkas mo o di lang nila naintindihan”. Mga pampalubag loob kong payo. Alam mo na. Para hindi masyadong masakit sa pakiramdam na ang mga linyang kagaya nyan ay gumagana lamang yata sa mga mukhang tulad ng kay Sam Milby o di kaya ni John Lloyd Cruz. O di kaya sadyang sa pelikula lamang pumapatok.

Oo aaminin ko. Wala sya sa kalingkingan ng mga taong nasabi ko kung mukha ang pagbabasehan . Siguro mga isang daang paligo at isang milyong “Belo” pa ang kailangan gawin nya para mapantayan sila. Seryoso.  Pero hindi ko naman sinasabi na pangit sya. Hindi naman ganun. Siguro pwde nating sabihin na hindi pang Mall kundi pangkalye lang ang itsura nya.

“Cge, inom na lang tayo pre. Malay mo mamaya may kusang lalapit sa atin.” Sa ganyang tagpo laging nagtatapos ang bar hopping namin.

Matagal ko ng kaibigan si John. High school pa lang magkaklase na kami. Magkaiba man ang kinuha namin na kurso sa kolehiyo pero lagi pa rin kami nagkikita. Magkakasundo kami sa maraming bagay. Siya ay (gwapo ba?) mabait, (gwapo ba?), matalino, (gwapo ba?), masipag, (gwapo ba?)at andyan lagi pag kailangan mo. Basta mabuting kaibigan si John.

Marami syang mabuting asal na maipagmamalaki ko bilang kaibigan. Pero ang ‘di ko maintindihan ay kung bakit may mga taong di nakikita ‘yon. Itsura na ba ang basehan natin ngayon para masabi na mabuting tao ang isang Pilipino? Pwde bang ugali muna ang makikita kaysa sa itsura sa unang pagtatagpo? Kung pwde lang sana magkabit sa sarili ng kartel na nagsasabing “Mabuti akong tao, pwde yan muna ang makita nyo” ng hindi katawa-tawa. Alam kong gagawin nya.

May karapatan naman ang mga kagaya ni John na lumigaya. Na mapansin. Na makahanap ng taong tatanggap sa kanya. Panlabas na anyo lang yan. Mawawala din sa paglipas ng panahon. Sana ‘yan ang makita ng karamihan.

Sana hindi ka kagaya nila. “HI, YOU LOOK FAMILIAR. HAVE YOU MET JOHN?”