NANG MAGBIRO ANG TADHANA (Part 2)

1

ANG NAKARAAN..

Part 1

ANG PAGPAPATULOY…

Photo credit: treklens.com

Lumipas ang dalawang oras ay nagising na si Asing..

“Saan ako? Anong nangyari sa anak natin, Lukas? Ano? Sabihin mo sa akin please.. si Asing habang humahagolgol.

Di makahanap ng salita si Lukas. Di alam ang sasabihin sa asawa. Matagal itong nakapagsalita na yakap-yakap ang asawa.

“Shhhhh…Wag ka munang mag-isip ng kung ano-anu. Makakasama sa iyo yan. Hinahanap na ng mga pulis ang anak natin. Makikita din natin siya. Wag lang tayo mawalan ng pag-asa. Tutulungan tayo ng Mahal na Panginoon.” Tugon ni Lukas na pilit pinapakalma ang asawa.

Alam ni Lukas na mahirap ang kanilang sitwasyon ngayon pero kailangan nyang tatagan ang loob para sa asawa. Malaki ang kanyang paniniwala na makikita pa rin ang anak at makakasama pa ito ng matagal.

Sa pamamagitan ng makabagong paraan ng panggagamot at magandang pag-aalaga ng mga doktor ay bumuti na ang kalagayan ni Asing pagkatapos ng isang linggong pamamahinga sa hospital. Kailangan pang magbenta ng kalabaw ng mag-asawa para may ipambayad ito sa hospital.

Minabuti ni Asing na sa bahay na lang magpahinga habang hininitay ang resulta ng imbestigasyon ng mga pulis tungkol sa pagkawala ng kanila anak.

“Ano ba ‘tong nangyayari sa atin? Bakit tayo pa? Di ko alam kung ano ang mangyayari sa akin ‘pag di natin makita si Carlos.”Maiyak-iyak na sabi ni Asing habang papasok ng kanilang tahanan.

“Manalig lang tayo sa Panginoon. Alam kong di nya tayo pababayaan. At saka may mga kapulisan naman tayong naghahanap sa kanya. Makikita din natin sya.” Tugon ni Lukas habang inaayos ang kanilang tutulugan.

Alam ni Lukas na hindi kumbensido ang kanyang asawa pero wala na silang magagawa kundi ang maghintay sa magiging resulta ng imbestigasyon.

Lumipas ang ilang linggo pero wala pa ring balita ang mag-asawa sa kinaroroonan ng kanilang anak. Wala din silang natanggap na tawag or kahit anong impormasyon galing sa mga armado na nanghihingi ng ransom o ano pa mang bayad.

Lagi na lang nakatulala’ sa bintana si Asing na para bang may hinihintay. Walang magawa si Lukas kundi ang panoorin ang asawa habang tumutulo ang luha nito.

Lumipas ang mga buwan at umabot ng dalawang taon bago natanggap ng mag-asawa na wala na si Carlos. Hindi man lubusan pero hindi na sila umaasa na makikita pa ang nawawalang anak.

Kaya isang araw ay napagkasunduan na lamang ng mag-asawa na kailangan na nilang magsimula ulit. Masakit man pero kailangan nila na magiging matatag at magsimula ng panibagong buhay kasama ang kanilang magiging bagong supling.

Si Kristine.

ITUTULOY…

Paalala: Ang mga karakter at pangyayari na inyong nabasa ay pawang mga kathang-isip lamang ng may akda. Anumang pagkakahawig sa tunay na buhay ay di sinasadya.