Kailan nagiging mabuti ang pagkakaroon ng THIRD PARTY?

0

          Isa ako sa milyon-milyong Pilipino na nakikipagsapalaran sa Gitnang Silangan. Iba-iba man ang dahilan kung bakit kami nagtitiis na makipagkompetensya sa ibang lahi dito pero iisa pa rin ang gusto. Iyon ay ang kumita ng malaking PERA sa mabilis na panahon ‘Yan ang alam ng karamihan pero sa iba meron pang ibang dahilan. Tara, alamin natin kung ano?

          Hindi talaga madali ang mangibang bansa lalo na dito sa kinasasadlakan ko. Kaakibat nito ang sakripisyo. Maraming bagay na nakasanayan ang kailangang iwan tulad na lamang ng pag-iinom ng alak, pagpupunta sa mga night bars, at pagvivideoke tuwing may mahahalagang okasyon. Ang masakit pa nito wala na ding ligawan o “date” na nangyayari dahil bawal magsama dito ang dalawang tao ng magkabilang kasarian lalo na’t di kasal. Dahil kung papalarin, sa kulungan ang bagsak. Di ba mahirap ang mawala lahat ng ito sa buhay mo? Para kang sasakyan na walang preno o di kaya robot na walang baterya. Matamlay, di kumpleto!

‘Yan ang kwento! Ang totoo ito..

          Magtatatlong buwan pa lamang ako dito sa Jeddah pero marami na akong kwentong narinig. Mga kwentong dati ko ng alam pero di ko lubos maintindihan. Ito ay mga kwentong may bida at kontrabida, mga di-kakaibang kwento pero nakakakuha ng pansin. Mga kwentong nagsimula sa pagkakaibigan na nauwi sa kahalayan.Mga kwentong kung iyong titingnan ay di nararapat pero nakasanayan.

Isa sa mga kwentong nakabigay ng pansin sa akin ay ang kwento ni Joaquin at Halina.

Si Joaquin ay isang matipuno, matangkad at gwapong lalaki. Sa isang tingin mo pa lang masasabi mo na maraming babae ang nagkakagusto sa kanya. Nagtatatrabaho sya bilang technician. Siya ay maligaya sa piling ng kanyang maganda at mabait na asawa at isang babaeng supling na naiwan sa Pilipinas.

Si Halina, sa kabilang banda, ay isang dalagang nurse pero may naiwang nobyo sa Pinas. May magandang posisyon sa isa sa mga sikat na bahay-pagamutan dito sa Jeddah. Maganda sya at maaalalahanin. Mga katangian na kahit sinong lalaki ay magugustuhan.

Sila ay walang koneksyon sa isa’t-isa. Di magkakakilala sa Pilipinas. Pero dahil sa pangangailangan ng bawat isa, sila ay pinagtagpo ng kapalaran dito sa bansang bawal ang pangatlo.

Una silang nagkita sa isang okasyon. May inuman, kantahan at sayawan. Masaya ang bawat isa. Isang magandang pagkakataon para pansamantalang makalimutan ang lungkot mula sa pagkawalay sa pamilya. Nagkausap. Nagkapalitan ng numero ng telepono. Nagkatinginan ng matagal at natapos ang gabi na silang dalawa ang magkasama.

Lumipas ang mga araw, buwan hanggang umabot ng taon at alam kong magpapatuloy pa hangga’t di mabubuko ang kanilang magandang pagtitinginan. Isang relasyon na pilit itinatago sa lahat. Isang relasyon na alam nilang mali bagamat patuloy pa ring nilalasap dahil kailangan nila ang isa’t-isa. Na sa pagkakataong tulad nito ay wala silang ibang hangad kundi matagalan ang buhay na malayo sa sariling pamilya.

Masisisi ba natin sila? Na para matagalan ang sitwasyong malayo sa mga minamahal sa buhay ay ang bawat isa sa kanila ang naging sandigan? Masama ba ang pumasok sa ganitong relasyon kung alam naman nila ang limitasyon ng bawat isa?

Ngayon ko lubos naintindihan bakit may mga taong kailangan gumawa ng isang bagay na mali para lamang maiayos ang di-tama. Bakit may mga taong nagnanakaw para lamang may maipagamot sa anak o maipakain sa pamilya? Bakit may mga taong pumapatay para maipagtanggol ang sarili?

Mga pangyayaring di natin maintindihan hangga’t di natin naranasan.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Advertisements