Ang matinding LIHIM ni ENTENG

0

Sa aking paglalakad pauwi ng bahay galing ng opisina ngayong gabi ay patuloy akong nag-iisip ng pwdeng maisulat sa aking naghihingalong blog page. Gusto kong samantalahin ang pagkakataong may laman pa ang isip ko at nasa mood ako para magsulat. Mahirap na baka kasi abutin na naman ako ng taon bago makapagsulat ulit.

At di nga ako nabigo. May naisip na akong topic na pwdeng isulat. Salamat sa pusa na nakasalubong ko. Opo, tungkol sa pusa ang nais kong ibahagi sa inyo. Malamang ito ay isang simpleng kwento lamang para sa karamihan pero para sa akin, ito ay di lamang isang kwento. Ito ay katotohanan at nakita mismo ng aking mga mata. Tumatak sa aking isip at nailarawan sa mga salita gamit ang aking damdamin.

At ito ‘yon…

Dito sa lugar kung saan ating inaasahan ang malungkot na pakikipagsapalaran para sa kagaya kong OFW ay may nakilala akong isang tao. Ang pangalan nya ay ENTENG. Kung sya ay titingnan, siya isang napakaordinaryong tao. Maliit, simple magdamit at mapapansin mo ang kanyang balat ay tila nasunog. Marahil dahil sa sobrang init ng sikat ng araw. Maaaninag mo sa kanyang mukha ang lungkot, pag-iisa ngunit higit sa lahat ang pagkakaroon ng magandang kalooban.

Matagal na si ENTENG na nagtatrabaho dito sa Jeddah. Malamang lahat ng lugar na alam ng pinoy ay napuntahan nya na. Alam nya na kung paano mapasaya ang sarili. Kung saan sya pwdeng pumunta kung siya ay nalulungkot at namimiss ang pamilya. Pero may iba akong natuklasan kay ENTENG. Di nya na pala kailangan pumunta sa kung saan mang lugar para mapawi ang lungkot na nadarama. Marami syang mga kaibigan. Andyan lang lagi sa tabi para paligayahin sya. Para laruin, hagurin at libangin. Mga kaibigang kailanman ay di sya iiwan. Di sya ipagpapalit. Di sya kakantyawan. Di sya sasaktan. Ang mga PUSA. Opo, mga pusang gala na walang nagmamay-ari. Lahat ng mga ‘yon ay kaibigan ni ENTENG. Mga kaibigan na hayop man ang lahi pero sobra pa sa tao ang ugali.

Di ko alam kung ilang taon na inaalagan ni ENTENG ang mga pusang ‘yon. Araw-araw nyang pinapakain at pinapainom ng tubig. Kumukuha sya ng mga tirang pagkain sa mga restaurants na malapit lang ┬ása aming opisina. Kung minsan naman bumibili sya ng isang order na pagkain at ulam kung alam nyang kulang ang naiipon na mga tira-tira.

Minsan nakita ko syang naglalakad sa ilalim ng matinding sikat ng araw habang bitbit ang plastic na may lamang pagkain at sa kabilang kamay naman ang isang gallon ng inuming tubig. Bakas sa kanyang mukha ang hirap pero dahil sa kagustuhan nyang di magutom ang mga alagang pusa ay parang balewala na ito sa kanya. Naisip ko tuloy. Ang sama ko naman para magreklamo na sobrang mainit at ayaw kong lumabas ng opisina para kumain ng tanghalian samantalang si ENTENG ay nagsasakripisyo sa initan para lang mapakain ang kanyang mga kaibigan.

Minsan pa nga ay natulala ako ng makita si ENTENG malapit sa isang supermarket habang dala-dala ang pagkain at inumin ng mga alagang pusa. Nasabi ko na lang sa sarili ko na, iba ka ENTENG!

Alam kong ang kwento ni ENTENG ay di lang nag-iisa. Maraming tao ang nag-aalaga ng mga hayop higit pa sa kanilang sarili. Itinuturing na kapamilya, kapuso at kapatid ang mga ito. Isa ako sa mahilig sa mga alagang hayop at alam kong hayop man sila ay may pakiramdam at nangangailangan din ng pagrespeto, pag-aaruga at pagmamahal. Pero kailanman di ko naisip ang aking sarili na magawa ang kagaya ng nagagawa ni ENTENG.

Si Enteng. Maliit man kung titingnan pero may malaking espasyo ang puso. Hindi lamang tao ang kaya nyang mahalin. May nakalaan na bahagi sa kanyang puso para sa mga nilalang na di man nya kauri ay alam nyang nangangailangan ng pagmamahal.

Sana sa kabanata ng buhay natin, minsan magkaroon ng tagpo na kagaya ng si ENTENG at ang mga PUSA. Isang tagpo ng mga karakter na di man magkalahi ngunit pinagbigkis ng pagmamahal at respeto.

‘Yan si ENTENG. Ang taong may PUSO di lamang para sa tao kundi para din sa hayop.

Advertisements