Kaibigan, kamusta ka?

0

Galing ng opisina diretso na ako sa tinutuluyan kong flat.

Pagod.

Matamlay.

Gutom.

Una kong binisita ang fridge na nasa sala pagkatapos magbihis ng damit pambahay. Kumuha ng baso at uminom ng napakalamig na pamatid-uhaw.

“Hay, salamat! Kahit papano napawi ng kaonti ang gutom”. sa isip-isip ko.

Wala din kasi akong balak kumain ng kanin sa dinner. Balak kong magtinapay na lang dahil mukhang kailangan na pigilan ang paglaki ng katawan ko. Sa loob kasi ng tatlong buwan eh umakyat ang timbang ko ng tumataginting na limang kilos lang naman.. Mahilig kasi ako sa kanin.

Bumalik ako agad sa loob ng kuwarto upang bisitahin naman ang aking mga kaibigan. Kaibigan na nakakausap ko lamang sa pamamagitan ng Facebook. Kahit papano nagkakaroon ako ng balita about sa kung sa ano ang nangyayari sa buhay-buhay nila at sa mahal kong lupang sinilangan.

Pagbukas ko ng aking Facebook account ay napansin ko agad ang pulang marka sa taas na kaliwang bahagi ng Facebook home.

Wow may nag-add sa akin. Sino kaya ‘to? Tanong ko.

Dali-dali kong binuksan. Bumungad sa akin ang isang familiar na mukha.

Kilala ko ang babaeng ito pero di ko matandaan ang pangalam. Saan kaya kami nagkakilala?  naisip ko.

Dahil nga sa mukhang kilala ko naman ang tao ay agad ko itong tinanggap bilang kaibigan.

Kalauna’y merong nagpadala ng mensahe sa akin. Siya. Agad ko itong binasa.

“Hi Totoy, thanks sa pag-accept.Kumusta na? Abroad kna pla ngayon. You’re doing great sa career mo. bungad nya.

“Hello. Opo nasa abroad ako ngayon. Hehehe salamat. Ikaw? Sagot ko.

“Okay lang naman ako”. Tugon nya.

“Hehe pasensya na ha. Saan nga tayo nagmeet?Di

ko naiwasang itanong.

“Classmate tayo sa GFI. Genius ka nga eh.” Sabi nya.

“Hahaha genius talaga!” Natawa kong sabi.

Tumagal din ng ilang minuto ang aming kwentuhan. Napag-alaman ko na nagshift pala sya ng course kaya di ko na sya nakasama sa klase ng matagal.Tumigil din sya ng ilang taon kaya nahuli syang nakagraduate.

Sa aming pag-uusap, naungkat namin ang mga masasayang tagpo sa klase. Kung sinu-sino ang magkakasama lagi. Kung ano na ang balita sa bawat isa.

Di ko man maalala ang kanyang pangalan, pero malinaw sa aking isip ang mga masasayang pagkakataong pinagsamahan namin bilang magkaklase.

Naalala ko tuloy ang aking buhay kolehiyo. Wala akong masabing naging bestfriend pero meron akong maraming naging kaibigan. Di ko man sila laging nakakasama dati sa mga lakad dahil sa nagtatrabaho ako pagkatapos ng klase pero naging malapit silang kaibigan sa akin.

Naisip ko tuloy.

Kamusta na kaya sila?