INA – INAalagaan, INAaruga at mINAmahal

Napakasarap isipin na may isang taong tunay na nagmamahal sa atin. Na kahit kalaban pa natin ang buong mundo, andyan sya para gumabay, umalalay at handang ipaglaban tayo. Hindi nya tayo matitiis. Mahal nya tayo ng higit pa sa buhay nya.. ‘Yan ang INA natin. Iba-iba man ang tawag, iisa pa rin ang turing.

Maswerte tayo na mayroon tayong ina. Inang minsan nabibigyan natin ng sama ng loob. Pinapaiyak. Pinapaalala’. Masakit man pakinggan pero ‘yan ang nangyayari. Isang katotohanan na dapat natin isaalang-alang.

Hindi man ako isang pasaway na anak pero ilang beses ko na din nabigyan ng sama ng loob ang ina ko. Aminado ako dyan! Naalala ko pa noong nasa kolehiyo pa lamang ako. Nagkasagutan kami ng dahil sa isang bagay na di napagkasunduan. Nakapagsabi ako ng mga masasamang salita. Nakapagmura ako. Nasigawan ko siya. Napaiyak ko siya. Isang tagpo na alam ko dumurog sa kanyang puso. Di nya man harap-harapang sinabi pero alam kong iyon ang pinakamasakit na mga salita na narinig nya mula sa akin.

Sa tingin nyo masaya ako pagkatapos ng tagpong iyon? Na panalo ako dahil nasabi ko ang laman ng damdamin ko? Na matapang ako dahil nakaya kong makipagsagutan sa kanya? Na malaya na ako dahil  nakaya kong ipaglaban ang sarili ko?  Ang sagot ko HINDI! Sa totoo lang isa akong talunan,duwag at di-malaya. ‘Yon ang tagpong kailanman di ko makakalimutan. Na bagamat alam kong nakahingi na ako ng tawad sa kanya ay patuloy pa rin nakaukit sa isip at kaibuturan ng puso ko. Isang tagpong di ko maipagmalaki  sa mga magiging supling ko. Na patuloy kong ipapanalangin n asana di na mauulit.

Subalit ang tagpong iyon ay nagmulat sa akin ng isang magandang leksyon. Isang leksyon na gusto kong ipamahagi sa lahat ng anak at sa magiging anak . Na ang ina, sa kahit anong pagkakataon ay mangingibabaw pa rin ang pagmamahal sa atin. Na kahit umiyak at masaktan man sya, kapakanan pa rin natin ang iniisip nya. Na ang ina ay isa sa mga pinakamagandang handog ng Maykapal sa buhay natin. Isang regalo na dapat nating alagaan, mahalin, at bigyang-halaga.

Alam kong di matutumbasan ng kahit ano pa man ang pagmamahal ng nanay sa akin. Na kahit ibigay ko man ang lahat na materyal na bagay na gusto nya ay hindi sapat yon. Na kahit madala ko man sya sa lugar na pinapangarap nyang puntahan ay di pa rin sapat. Pero alam ko na ang pagbigay ng mga bagay na ikakasaya nya bagamat di sapat ay makapagbigay ng ngiti sa kanyang mga labi at karanasan na maalala nya hanggang sa kanyang paglisan. Samahan ko pa ng tamang pag-aaruga, walang katapusang pagbibigay halaga at wagas na pagmamahal,tiyak na lubos nyang ikatutuwa.

Ang mga ina kahit  hindi man sila naghihingi ng kapalit sa pagmamahal na ibinibigay nila, responsibilidad pa rin nating mga anak na hangga’t maaari maibigay sa kanila ang buhay na matiwasay at maligaya.

Leave a comment